Author’s note: To all my foreign readers, please bear with me as this essay is written in Tagalog. I will try my best to write a good enough translation, but right now, Google Translate will have to suffice if you still want to proceed with reading. :(
Conversations in Tagalog are originally in English. You can listen to the songs while reading, or not if you prefer to read in silence. :)
“There is no safe investment. To love at all is to be vulnerable. Love anything, and your heart will certainly be wrung and possibly be broken. If you want to make sure of keeping it intact, you must give your heart to no one, not even to an animal. Wrap it carefully round with hobbies and little luxuries; avoid all entanglements; lock it up safe in the casket or coffin of your selfishness. But in that casket—safe, dark, motionless, airless—it will change. It will not be broken; it will become unbreakable, impenetrable, irredeemable. The alternative to tragedy, or at least to the risk of tragedy, is damnation. The only place outside Heaven where you can be perfectly safe from all the dangers and perturbations of love is Hell.”
-C.S. Lewis, The Four Loves
Inaaral pa rin natin ang lengguwahe ng isa’t isa. Noong isang gabi na nauna ka pa makaalalang kailangan ko uminom ng gamot pagkatapos ang hapunan, naitanong mo kung para saan ito. Paano ko ba susubuking maipaunawa sa’yo ang isang bagay na higit dalawampung taon kong sinubukan itanggi at limutin? Binahagi kong minsan ay bigla na lamang akong manginginig bago maghahabol ng hininga at wala itong pinipiling oras, na maging sa pagtulog ito ay susubok gumising sa’kin. Kinuwento ko ang madilim na bahagi ng pagkatao ko na lubos na ikinahiya’t kinasuklaman na parang nagbabasa lamang ng buod ng isang libro. Wala na masyadong marami pang bulálas. Sarado rin ang pakiramdam.
Noon ang tamang pagkakataon para tanungin ko ang ibig sabihin sa likod ng pagkunot ng noó mo’t nakakabinging pananahimik. Maigi nang malaman mo ngayon pa lang, ‘yan ang nasa likod ng akin. Ayos lang naman kung ano man ang maging kahihinatnan ng pagbabahagi na ‘to. Natutunan ko sa libro ni sir Edgar Calabia Samar na ang ibig sabihin ng salitang “ayos” sa sinaunang Tagalog ay “pagpapatalas ng talim.” Sa dami ng beses na sinabi kong ayos lang ako, siguro naman ay hindi na mapurol itong talim na taglay ko. Madalas ay sinasabi natin ito nang may pagkukunwari, na hindi naman talaga tayo ayos, o hindi natin alam kung ayos nga lang ba tayo. Matalim na ba o mapurol pa rin? Ngunit kung sa lumang paraan natin ito titingnan, binibigyan natin itong pagkukunwari ng pagkakataon maging katotohanan. Nagpapatalas lang ako ng talim. Paulit-ulit nating sasabihin hanggang sa maniwala. Mapurol man ay tatalas din. Kaya nga siguro sa dami ng beses na sinabi kong ayos lang ako ay siya ring dami ng beses na nasusugatan kong palalim nang palalim ang sarili.
Unang beses kong ibinahagi ang karanasang ‘yon sa isang tao na hindi ko pa naman talaga matagal nang kilala, kaya’t sa buntong-hininga na marahang bumasag sa katahimikan ay para akong mauubusan ng hangin habang naghihintay sa mga salitang kasunod nito. Ayaw mo akong mamuhay sa takot, sabi mo, at hindi ko dapat bigyan ng kapangyarihan ang nakaraan at anuman na diktahan ang bawat kilos ko’t pagpapasya. Bigla kong naalala ang sinulat ni Sylvia Plath sa talaarawan niya—ang kagustuhang maglakad nang malaya sa gabí nang hindi nangangailangang mangamba sa peligrong palaging kaakibat ng pagiging babaeng mag-isa sa daan. Walang segundo na inalis mo ang tingin sa’kin. Ganoon din ako sa’yo. Naniniwala kasi akong hindi nagsisinungaling ang mga mata kaya hinihintay kitang kumurap nang may sagimsim o umiwas bahagya ng tingin—kahit anong kilos o pag-aatubili na maaaring senyales na sinasabi mo lang ang sa tingin mong gusto kong marinig. Pero nanindigan ka sa paraang ang tanging magagawa ko na lang ay maniwala. Hindi ito ganoon kadali, alam ko’t alam mo rin, ngunit hindi ka nag-iwan ng puwang para sa anumang alinlangan. Nasa nakaraan na ito, dugtong mo sa huli. Panahon na para sa bagong kwento.
Mmekọ echi, bigla mong sinabi. Nang tanungin kita kung ano ang ibig sabihin nito sa Ingles, ang sabi mo lang, “For our tomorrow.” Ngunit alam kong hindi lang ito basta para sa kinabukasan. Sa halip tinatanaw mo ang hinaharap nang may reberensiya sa kasalukuyan, malay na sa bawat segundo ng bawat nating pagpapasya ay hinuhubog nito ang mga segundong dumarating at darating pa. Sa isip ko, dito tayo nagkakaiba dahil nakasanayan ko na mas bigyang tuon ang kasalukuyan sapagkat ang ngayon lang ang tiyak na mayroon ako. Nakasanayan ko ring muli’t muling lumingon patalikod. Kung minsan, nagiging sanhi pa nga ito ng pagsasawalang bahala sa hinaharap. Ngunit heto ka, pinapahalagahan ang kinabukasan sa pamamagitan ng pagiging ganap na may pag-iral sa kasalukuyan.
Alam ko naman ito, ngunit madalas ay nalilingat pa rin ako. Kung minsan sasabihin ko pang hindi siguro ako magtatagal dito sa mundo, bagay na kung ibabahagi sa’yo ay tiyak ikakagalit mo. Bago ko pa man sabihin sa’yo, bago pa sumagi sa isip ko kung kailangan ko pa bang ibahagi ito—ang hangganang minsan ay gustong abutin ng pinakamalalim kong lumbay—nauna mo na itong itanong at hindi mo na ako hinintay na sumagot.
“Alam ko,” buong kumpiyansa mong sinabi.
“Bakit? Paano?”
“Naiintindihan ko,” sagot mo. “Pero heto ka pa rin at buhay, ‘di ba? Pakiramdam mo ngayon ay buhay na buhay ka, ‘di ba?”
May kung anong gumimbal sa loob ko, ‘yun bang parang pinipiga ang puso habang bumabagsak ang sasakyang rodilyo mula sa tuktok ng riles sa ere.
“Malaya,” sagot ko.
Nang itanong mo kung ano ang ibig sabihin nito, sabi ko lang, “Free.” Tinanong mo ako ulit kung bakit ako nakangiti, kung ano ang iniisip ko sa likod nito. Gusto ko sabihing kamalayan sa maraming bagay ang nagpapalaya sa’kin, at may pinupukaw na kamalayan ang mga sinabi mo na matagal na ring hindi makaalpas mula sa pinakamalalim kong lumbay. Gusto ko sabihing pinapalaya mo ako.
Siguro nga, may nagbabago sa akin. Pero mas akma sigurong sabihin na may lumalaya sa aking matagal nang gustong kumawala. Ang ako na ayaw nang mamuhay sa takot, sa galit, sa lumbay. Sinabi ko sa’yo ilang araw na ang nakalipas na dito sa mundo, isang konseptong bunga ng optimismo lang ang pagiging ligtas. Wala naman talagang ligtas na lugar para sa atin kaya nga wala naman talagang madali. Kahit pa sa kanya-kanya nating tahanan kaya nating makasakit at masaktan. Maging sa piling ng mga taong akala natin ay mapagkakatiwalaan, may mapagbalatkayo at kung susuriing maigi ay may duming nanunuot sa kanilang mga mapag-anyáyang kamay. Bata pa lang ay mulat na ako rito.
Kasi matagal na akong pinasok ng peligro, sabi ko. Ang tanging kaligtasan ay nasa kamatayan. Kung patuloy mananaig ang anumang karamdamang dulot ng anumang takot o lumbay, at pipiliin ko palagi ang konsepto ng pagiging ligtas, nabubuhay ba talaga ako? Ano na lang ang silbi ng paghinga?
“Sa halip mabuhay ka ayon sa kagustuhan mo at magdasal na manatili kang malayo sa kapahamakan. Sapagkat ang kaligtasan ay nasa Panginoon,” sabi mo.
Siguro nga, may lumalaya sa aking matagal nang gustong kumawala. Pero mas akma sigurong sabihin na may bumabalik sa aking matagal nang nawawala. Ang ako na walang takot sumubok, at hindi ang ako na palaging nakatanaw sa hangganan sa kagustuhang tumakas tuwing nauubusan na ng lakas. Ang ako na gustong matuto sa bawat tamang desisyon at gayon din sa bawat pagkakamali. Ang ako na hindi takot magkamali. Ang ako na parating nag-aalab ang damdamin para sa mga kailangan pang danasin sa ngalan ng mga pangarap, hindi ang ako na ginawa nang kapansanan ang pagluluksa. Hindi ang ako na habambuhay nangungulila sa batang hindi na muling nakalabas mula sa silid na bumago sa buhay niya mahigit dalawampung taon na ang nakakaraan. Pumasok siyang buo at lumabas siyang hindi na kailan pang muli. Pinatay siya roon at namatay pa siya nang paulit-ulit.
Madalas ko pa ring buhayin sa isip ko ang batang ‘yon. Binibigyan ko siya ng mga magagandang alaala at mga alternatibong karanasan, kahit alam kong kahibangan na lang ito. Sa ganitong paraan ako minsan naghahasa ng talim. Itong bumago sa akin, hindi nagsimula ngayon o noong nakaraang tatlong taon. Lalong hindi nagsimula nang makilala ka. Nagsimula ito mula nang lumabas ako sa silid bilang ibang bata. Doon ako nagkaroon ng patalim—ang unang beses na pagkukunwaring ayos lang ako. Ayos lang ang lahat. Walang nangyari. Hindi ko alam ang nangyari. Basta biglang may hawak na akong patalim at may nagdurugo na sa akin. Iyon ang araw na nabuhay ang ako ngayon, at sa bawat taon na patuloy tumatalas ang talim, lumalalim ang kagustuhan kong makasugat, maningil, makaganti.
Inamin ko sa’yong lumaki akong may paniniwalang may mabuti akong puso, na kaya kong magpatawad ng isang taong hindi kailanman humingi nito. Ngumiti ka habang sinasabing, “Nakikinig ako.” Hindi ko alam kung saan banda sa sinabi ko ang nakakatuwa pakinggan. Totoo naman, sabi ko. Sinubukan kong ilagay ang sarili ko sa isang katorse anyos at buong buhay kong pinaniwala ang sarili na bata lang din siyang walang lubos na kamalayan kung ano ang tama at mali. Mas bukas ang isip ko noon kaysa ngayon. Maging ang puso ko. Dito mo ako pinigilang ipagpatuloy ang kung ano man ang gusto ko pang sabihin. Hilig mong iwasto ang sa tingin mo ay mali sa pananaw ko. Ang mali ay mali at hindi na batang paslit na walang muwang ang edad na katorse, sabi mo. Na ang galit ay bahagi ng pagiging tao. Na hindi pa lang ako marunong noon. Na tinutuklas ko pa lang ito.
Nauunawaan mo ang marubdob kong galit at sinabi mo na mayroon akong sapat na katwiran para maramdaman ito. Gaya ko, marami na ring sumira ng tiwala’t pagkatao mo. Gayumpaman, nangiusap kang hanapin ang pagpapatawad na hindi mapagpanggap. “Patawarin mo siya at ang sarili. Palalayain ka nito. Mawawala ang mga bangungot. Mapapanatag ang isip. Magiging sapat ang hangin. Hihinahon ang paghinga.” Nangiusap ka na para bang ikaw ang nagkasala, at sa panahong ‘yon natutunan ko na hindi kailanman kayang buhayin ng pagkamuhi ang batang namatay sa silid na ‘yon. Bagkus, kung hahanapin kong muli ang kakayahang magpatawad, ang totoong pagpapatawad, sa kanya at sa sarili, ay palalayain ng kapatawaran ang kaluluwang matagal nang nakakulong sa silid.
May lumalaya sa’kin sa tuwing kasama kita pero hindi mo naman talaga ako pinapalaya. Pinapaalala mo lang ang mga bagay na paulit-ulit kong nakakalimutan. O isinasantabi. O iniiwasang gunitain dahil sa hindi mapakawalang galit na balatkayo ng pagluluksa. Winawasto mo ang bawat negatibo sa kaisipan. Pinapalakas mo rin ang pananampalataya. Nasa paraan mo siguro ng pagsasabi, ng pangungumbinsi, na parang ikaw ang aani ng parusa at mumultuhin ng kaluluwang humihikbi sa silid kung hindi ko hahayaan ang sariling maging masaya, maging malaya. Na para bang matagal mo nang hawak ang mga sa akin ay nawawala.
Minsan tinanong kita kung bakit mo ako nagustuhan. May sinabi ka ulit mula sa lengguwahe ng pinagmulan mo na hanggang ngayon ay inaalam ko pa kung paano bigkasin at baybayín. Tinanong kita kung anong kahulugan nito. “Best known to me,” sabi mo. Ikaw lang ang nakakaalam. Inihalintulad mo ako sa babaeng inilalarawan sa kantang Virtuous Woman. Nang patugtugin natin ito, sinabayan mo ang pag-awit ni Flavour habang sinasalin sa Ingles ang mga salitang dayuhan sa pandinig. Naramdaman ko nanamang may gumigimbal sa loob ko na para akong nahuhulog mula sa tuktok habang nasa sasakyang rodilyo.
Maginhawa sa pakiramdam na ganoon mo pala ako nakikita. Tila dahan-dahang hinihilom nito ang mababang pagtingin sa sarili, ang mga sugat dulot ng paulit-ulit na paghahasa ng talim. Sa mga sandaling ‘yon, gusto kong maniwala, kahit tila maraming dahilan upang hindi.
Madalas pakiramdam ko ay tama ka para sa akin, pero hindi ko alam kung dahil lang ba tinamaan na rin ako sa’yo. Kaya sa bawat araw na lumilipas hinahanapan kita ng kasinungalingan. Kailangan ko ang gabay ni Kuya Kim, paulit-ulit na payo ko sa sarili. Maging mapanuri, mapagmatyag, mapangahas. Kailangan kong patunayan sa sarili ko na hindi ka totoo kasi ito ang mas madali—ang sabihing “Sabi ko na nga ba. Buti na lang,” at hindi, “Tanga ka talaga sa pag-ibig. Hindi ka marunong pumili.”
Mas madaling hindi magbakasakali dahil dito walang pagkadismaya. Pero kung hindi ako magbabakasakali, tila ninanakawan ko ang sarili ng pagkakataong maging mas masaya. At hindi ba kabaliktaran ito ng paulit-ulit na pag-aasam kong maging malaya?
Gawain mo ang tanungin ako kung bakit ako nakangiti. Palagi mong nahuhulaan kung mayroon akong iniisip o kung may bumabagabag sa’kin dahil hindi mo lang ako basta pinagmamasdan. Kinikilala mo ang kahulugan ng bawat kilos ko’t sinasabi. Noon, akala ko kailangan ay nauunawaan akong lubos ng kung sino man ang mamahalin ko—isang batayan na hindi ganoon kadaling abutin dahil sarili ko man madalas ay hindi ko rin maintindihan. Kaya hindi ako madaling mahalin. Pero noong minsang sinabi mo na ipaintindi ko sa’yo ang ibig kong sabihin dahil minsan ay hindi mo maunawaan kung paano tumatakbo ang isip ko, napagtanto kong may higit o katumbas na halaga pa pala ang malalim na pagkakaunawaan: ang mataimtim at patuloy na kagustuhang maunawaan ang isa’t isa sa panahong tila hindi na kayo nagkakakitaan.
“Masaya lang ako. I’m just happy,” sabi ko.
“Mabuti. Mahalaga sa’kin ang kasiyahan mo,” sagot mo.
Naaalala mo noong pangalawang beses natin magkita? Sinabi mo na kung kikilalanin ko lang ang Diyos araw-araw ay ibibigay niya ang lahat ng kailangan ko at higit pa, dahil hindi siya madamot. At darating ang panahon na ang pag-iyak ko ay hindi na magmumula sa kalungkutan kundi sa nag-uumapaw na kaligayahan. Gusto ko sabihin sa’yo na sa tuwing sinasabi mo na kaligayahan mo ang kaligayahan ko, ganito ang nararamdaman ko.
Kaya ba mahal ang pag-ibig? Dahil pumupusta tayo at palaging ang posibilidad ng kalungkutan at muling pag-iisa ang kabayaran? Binabago tayo ng pag-ibig, kahit minsan sa huli ay binibigo rin tayo nito. Pero sabi nga ng matalik kong kaibigan, huwag akong matakot mabigo. Tama nanaman siya. Walang tumataya na hindi alam ang posibilidad na maaaring mabigo siya sa huli. Kaya nga kung nakuha ko pa ring tumaya sa kabila nito, wala na dapat kahit anong pagsisisi.
Pero may kabiguan ba talaga sa pagmamahal kung binago naman tayo nito? Kung minsan naman itong nagbigay ng lubos na kasiyahan? May umuuwi ba talagang talunan kung nagwagi naman tayong sumubok muli? Masyado pang maaga, paulit-ulit kong sinasabi, at marahil ganito rin ang magiging sasabihin ng iba. Pero tayo lang ang nakakaalam. Tayo lang din ang nakakaintindi. Sa mataimtim mong pagtingin mas naniniwala akong wala naman sigurong mali. Sa tuwing pinapatahan mo ang mga bumabagabag sa loob ko, alam kong mangyayari ang anumang kaloob na mangyari. Sa tuwing binabahagi mo ang mga pangarap at minsang naging mga naging kasawian mo, hinihiling kong maging isa sa mga kalakasan mo. Kaya para sa akin, hindi kailanman natatalo ang nagmamahal. Ano’t ano man ang kahihinatnan.
“Nabanggit ko na ba sa’yo na may nabasa ako tungkol sa isang kasabihan sa Japan na walang katumbas na salita?”
Nang umiling ka, sinabi ko na ang kasabihang ito ay koi no yokan sa salitang Hapon. Ayon kay Tomoyo Kamimura, hindi ito love at first sight dahil may salita sila para dito—hitomebore. Sa halip, ang koi no yokan ay mas nagpapahayag ng salagimsim—na sa unang pagkakataon na makikita mo ang isang partikular na tao ay may mararamdaman kang kakaibang kutob na hindi maiiwasang balang-araw ay mamahalin mo ang taong ‘yon.
Inaaral pa rin natin ang lengguwahe ng isa’t isa, pero minsan ay para bang may matatas na tayong pagkilala, bagay na hindi na nangangailangan pa ng kahit anong pruweba.
took my breath away!